Ilang oras na lang at simula na ng unang araw ng Simbang Gabi. Nais kong ibahagi ang isang isinulat ko noong nakaraang taon tungkol sa napakagandang tradisyon na ito. Una itong nalathala sa Buhay Pinoy ng The Philippine Online Chronicles.
**********
|
Ilang araw na lang at Pasko na. Isa sa mga pinakaaabangang tradisyong Pilipino bago mag-Pasko ang Simbang Gabi. Ngunit ano ba talaga ang Simbang Gabi at paano nagsimula ang tradisyong ito sa Pilipinas?
Ang Simbang Gabi na tinatawag ding Misa de Gallo ay nagsimula sa Pilipinas bandang 1660. Ang mga prayle o kura paroko ay nagdaraos ng misa na may nakapaloob na nobena bilang paghahanda sa paggunita ng kapanganakan ng ating Panginoong Hesus. Ang nobena ay ginagawa siyam na araw bago mag-pasko.
Tinawag itong Misa de Gallo sapagkat ang unang tilaok ng tandang (Gallo sa espanyol ay tandang) ang hudyat upang ang mga Pilipino noon ay gumising na at maghanda para magsimba. Dahil karamihan ng mga Pilipino noon ay mga magsasaka at mangingisda na abalang-abala sa kanilang pinagkakabuhayan buong araw, naisip ng mga prayle na idaos ang misa bago pa pumutok ang araw at bago magsimula ang mga magsasaka sa kanilang mga gawain sa bukid o bago magtinda ang mga mangingisda ng kanilang mga huli mula sa nakaraang gabi. Sa ganoong paraan, mapagsasama-sama ng kura paroko ang lahat ng mga naninirahan sa kanyang parokya sa isang misa.
Dahil madilim pa kapag unang tumilaok ang tandang, tinawag din itong Simbang Gabi. At para mailawan ang mga daan na tatahakin ng mga magsisimba, nagsisindi sila ng mga kandila o nagsasabit sila ng mga parol na iniilawan ng mga kandila sa mga bahay at kalye na madadaanan patungong simbahan. Ang mga ito ang kanilang tanglaw habang naglalakad o nakasakay sa kalabaw papunta sa kani-kanilang parokya. Ang mga parol na ito ay nagpapa-alala rin sa kanila tungkol sa Star of Bethlehem na naging tanglaw ng mga mago papuntang Bethlehem noong ipinanganak si Kristo Hesus.
Ang Misa de Gallo ay karaniwang nagsisimula ng alas-kwatro ng madaling araw at nagtatapos bandang alas-singko. Pagkatapos ng misa, ang mga Pilipino noon ay nagsasalo-salo sa labas ng simbahan o sa kanilang mga tahanan para mag-almusal. Karaniwang inihahanda para pagsaluhan noon ay mga kakanin tulad ng bibingka at puto bumbong. Ang mga pampainit na inumin naman ay salabat o tsokolate. Pagka-almusal diretso na sa bukid ang mga magsasaka.
Sa dami ng mga nagsisimba, minsan ang Misa de Gallo ay sa labas ng simbahan ginagawa at kung sa loob naman ay binubuksan ang mga pinto upang makapagsimba rin ang mga hindi na makapasok kapag sobrang dami ng taong dumalo. Nagsimula ang pagdiriwang ng misa sa labas ng simbahan noong 1587 nang humingi ng permiso si Prayle Diego Soria ng Mexico sa Santo Papa na idaos sa labas ng simbahan ang misa dahil hindi magkasya ang mga tao sa loob. Ngunit nagsimula lamang ang Misa de Gallo sa Pilipinas noong 1660 nang ipakilala ito ng mga misyonerong Kastila o EspaƱol.
Ano na ba ang ipinagbago ng Simbang Gabi kumpara noon? O may ipinagbago nga ba?
Ang isa sa mga pagbabago sa Simbang Gabi ay ang oras ng pagdaraos nito. Karamihan ng Simbang Gabi ay bandang madaling araw pa rin ginagawa ngunit may mga parokya na rin na idinaraos ito sa gabi talaga imbes na sa madaling araw. Sa ibang parokya, alas-otso ng gabi ang Simbang Gabi nila para makasimba iyong mga nanggagaling sa trabaho. Iyong mga kayang gumising ng maaga at hindi naman mahuhuli sa pagpasok sa trabaho kahit magsimba sa madaling araw ay pinipili pa ring sa madaling araw magsimba.
Dati mga kandila at parol na may kandila ang tanglaw sa daan ng mga nagsisimba. Ngayon, may mga parol pa rin pero hindi na kandila ang gamit kundi mga bumbilya na. Maraming klase na rin ng parol. Noon, karaniwan ay gawa ito sa kawayan at papel de hapon o crepe paper. Ngayon may mga parol na gawa na rin ng plastik at capiz. Ngayon, marami nang Christmas lights sa mga kalye at kabahayan bukod pa sa mga street lights kaya hindi na kasing dilim noong unang panahon.
Kung noon ay pami-pamilya ang pagpunta sa simbahan, ngayon ang iba ay mga kaibigan, kabarkada, o kasintahan ang mga kasama sa Simbang Gabi. May mga nagsisimba pa rin naman bilang isang pamilya pero hindi na kasing dami tulad noon. Maaring ito rin ay dahil sa mga pagbabago sa pamilya sa mga nagdaang panahon tulad na lang ng ipinag-iba ng mga trabaho ng mga tao noon at ngayon. Noon, karamihan ng Pilipino ay mga magsasaka at mangingisda. Ngayon, maraming klase na ang mga hanapbuhay at iba-iba na rin ang oras ng simula at pagtatapos ng kanilang mga trabaho.
Noon, ang mga tao ay nagigising pa sa tilaok ng manok o tandang o kaya sa pagtunog ng kampana sa madaling araw. Ngayon, alarm clock na ang gumigising sa karamihan para magsimba sa madaling araw. Ang iba naman parang mga mangingisda noong araw na pauwi pa lang tulad ng mga nagta-trabaho sa gabi tulad ng mga call center agents at iba pang manggagawa na shifting ang oras ng trabaho. Noon, pwede pang may mag-ikot na banda para gisingin ang mga tao para magsimba. Ngayon, siguradong may magrereklamo sa iyo sa barangay kapag nagdala ka ng banda para manggising sa iyong mga kapitbahay para dumalo sa Misa de Gallo.
Noon, naglalakad lang karamihan kahit kilometro ang layo ng mga simbahan sa kanilang mga tahanan. Ngayon, marami nang paraan ng transportasyon at bihira ka na makakita ng nakasakay sa kalabaw papuntang simbahan para magsimba kahit sa mga probinsya. Ngayon, kung wala kang sariling sasakyan o kotse, pwede kang tumawag ng taxi para ihatid ka sa simbahan.
Noon, ang mga tao ay nagpapasalamat sa magandang ani o huli kapag nagsi-Simbang Gabi. Ngayon, may iba’t-ibang intensyon na ang mga nagsisimba. May mga nagsisimba pa rin para magpasalamat sa mga biyayang natatanggap at para ihanda ang kanilang mga puso para sa pagdiriwang ng Pasko. Pero popular na din ngayon na mag-Simbang Gabi dahil may kahilingan ang isang deboto. Pinaniniwalaan kasi na matutupad ang kahilingan o dalangin ng isang deboto kapag nakumpleto ang siyam na araw na nobena.
I-click dito para mabasa ang kabuuan.
At para sa mga gusto pang humabol, ito ang link para sa oras ng Simbang Gabi sa ibat-ibang lugar.
At para sa mga gusto pang humabol, ito ang link para sa oras ng Simbang Gabi sa ibat-ibang lugar.
No comments:
Post a Comment