Sunday, May 12, 2013

'Nay, magpapasukan na!

Here's an article that I wrote a couple of years ago to honor my mom. I'm reposting it here on Mother's Day for I will always be grateful for the positive influences she had in my life.
 
 
***
 
“'Nay, masikip na ang palda ko. Hindi na kasya sa baywang saka sagad na ang tahi sa laylayan. Paano ‘yan? Magpapatahi na ba tayo ng bago kong palda sa pasukan?”

 
“Pwede pa ‘yan. Pagagawan natin ng paraan sa mananahi,” sagot ni Nanay.

 
Ha? Ano pa kayang paraan ang naiisip ni Nanay para magamit pa uli sa pasukan ang pinagkaliitan ko nang palda. Nagsimula itong may malapad na tupi sa laylayan noong bagong tahi pa. Taon-taon, inuurong ang tupi dahil tumatangkad ako. Pero, katulad nga ng sabi ko, ngayon ay wala nang tuping pwedeng tastasin.

 
Kinuha ni Nanay ang aking palda at itinabi para dalhin sa kapitbahay naming mananahi. Pagkatapos ay sinimulan na namin ang isa sa aming mga tradisyon tuwing bago magpasukan.
 
Tiningnan namin isa-isa ang mga kwaderno (o notebook) na ginamit ko at ng nakababata kong kapatid noong nakaraang pasukan. Maingat naming tinanggal ang mga alambre (o spring). Hiniwalay ang mga may sulat sa mga wala pang sulat. Pagkatapos pinagsama-sama namin ang mga natirang mga pahina para bumuo ng mga bagong kwaderno. Tinatahi ni Nanay isa-isa ang mga bagong kwaderno mula sa mga hindi nagamit noong nakaraang pasukan. Tapos binabalutan ko naman ito ng mga pambalot ng regalo at plastik para magmukhang bago at hindi madaling madumihan o masira.
 
Bago rin magpasukan, iniinspekyon namin ang mga dati naming sapatos. Kadalasan, wala kaming sapat na pera para bumili ng bago taun-taon. Kaya ang ginagawa ni Nanay dati, pinapapalitan lang niya ang suwelas o ilalim dahil iyon naman ang madalas na unang nasisira. Pinapalitan na lang ang sapatos namin kapag nasira na ang itaas, halimbawa ay nabiyak na o nabutas. Kaya palagi naming nililinis at pinakikintab ang sapatos namin para hindi madaling masira agad ang balat.

 
Isa pang paraan ng pagtitipid na ginagawa ni Nanay tuwing bago magpasukan noong elementarya pa kami ay maghanap ng mga lumang libro o secondhand books mula sa mga mas nakatatandang estudyante sa aming paaralan, sa mga kapitbahay namin na mas nakatatanda o sa mga tindahan sa Recto. Hangga’t maaari hindi kami bumibili ng bagong textbook kung mayroon naman kaming mahihiraman o mabibiling luma para mas makatipid. Iyong mga workbook lang ang binibili ng bago dahil kailangan itong sagutan.
 
Mahigit dalawang dekada na ang nakaraan mula ng magtapos ako sa elementarya ngunit sariwang-sariwa pa rin sa aking alaala ang mga ginagawa naming paghahanda noong bata pa ako tuwing malapit na magpasukan. Hindi ko mapigil na mangiti at matawa lalo na nang maalala ko kung paano ginawan ng paraan ni Nanay at ng kapitbahay naming mananahi ang akala ko ay hindi ko na maisusuot na palda.
 
Dahil wala na ngang remedyong magagawa sa laylayan at sagad na ang tahi, dinugtungan ng mananahi sa baywang ang luma kong palda. Ginawan niya ng bagong paha at dinugtungan ng halos kakulay na tela. Iyong dating nasa baywang ay binawasan nang bahagya at napunta na sa may bandang balakang dahil sa ginawang dugtong. Hindi naman daw halata kasi mahaba ang aking blusa!
 
Nakakabilib talaga si Nanay! Katulad ng maraming ina, tunay siyang maparaan!
 
Buti na lang maabilidad at maparaan si Nanay! Dahil sa katangian niyang ito, nakapagtapos ako ng elementarya sa isang pribadong paaralan. Ang kanyang halimbawa ng pagpupursige at sipag ay naging inspirasyon ko upang maging isang masikap, masipag at responsableng mag-aaral. Tinuruan niya akong maniwala na hindi hadlang ang kahirapan upang makamit ang iyong mga pangarap. Gaya nga ng sabi sa kasabihan, nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa. Ginawa ng aking mga magulang ang lahat ng kanilang makakaya upang mapagtapos ako ng pag-aaral. Hindi naging madali para sa aming lahat ang mga taong iyon na nag-aaral pa ako. Maraming sinakripisyo ang aking mga magulang para matupad ang aming pangarap pero sulit naman lahat ng iyon tuwing aakyat kami sa entablado taun-taon para tanggapin ko ang aking medalya bilang Top 1 at nang magtapos akong valedictorian sa elementarya, nang ako’y makapagtapos sa high school sa isang paaralang ekslusibo para sa mga babae, at higit sa lahat nang ako’y magtapos sa kolehiyo sa Pamantasan ng Pilipinas sa Diliman.
 
Magpapasukan na naman. Hindi ko mapigil na hindi maalala ang mga magaganda at masasayang alaala ng aking pagkabata at buhay estudyante lalo na noong ako’y nasa elementarya pa. Masaya ako noon kahit mulat ang aking mga mata sa kahirapan ng aming pamilya. Masaya ako dahil itinataguyod ako ng aking mga magulang para magkaroon ng magandang kinabukasan sa pamamagitan ng magandang edukasyon. Masaya ako dahil mayroon akong mga kaibigan noon na hindi pansin kung bago ba o luma ang aking uniporme at sapatos. Masaya ako noon dahil may mga guro akong naniniwala sa aking talino at kakayahan kahit na ako’y mahirap lang.
 
Pero mas masaya na ako ngayon dahil sa aking pagtityaga, disiplina, suporta ng mga taong nakapaligid sa akin at sa tulong ng Diyos, naabot ko ang bawat pangarap na pinangarap ko simula nang una akong natutong mangarap.
 
Magpapasukan na! Dalangin kong mas marami pang batang mahirap ang matutong mangarap at mabiyayaan ng mga magulang na tulad ng mga magulang ko… lalo na ng tulad ng Nanay ko! Happy Mother’s Day, 'Nay!
 
* This was originally published in Buhay Pinoy of the Philippine Online Chronicles.

No comments:

Post a Comment